Anong aking masasabi? Naisin ko mang magsulat ng tungkol sa anim na aklat na aking nabasa nitong nakaraang buwan ay hindi ko nagawa. Batid kong hindi mabibigyan ng katarungan ang bawat akda, o kahit isa man lamang sa kanila, kung ako ay magsusulat gamit lamang ang aking telepono. Napakarami ng aking saloobin sa bawat aklat na aking nabasa, kahit ang naunang tatlo sa kanila ay akin nang nabasa tatlong taon na ang nakakaraan.
Tatlong libro ba 'kamo? At bakit hindi? Nagkataon lamang na may pumukaw sa akin na may kinalaman sa ilan sa mga bagay na napakalapit sa aking puso. At iyon na ang simula...
Sa ngayon ako ay nagbabasa ng isang awtobayograpiya (autobiography). Bago ang lahat, dalangin kong malaman sa susunod na mga araw ang Tagalog ng mga salitang "telephone" at "autobiography." Aking napagtanto na ang katumbas nito sa Filipino ay ang tuwirang salin ng tunog at hindi ng salita gaya ng "salipawpaw" para sa "airplane" bagamat walang gumagamit ng salitang ito kundi "eroplano." Mas dayuhan nga naman sa pandinig ang salitang salipawpaw.
Ngayon tayo'y magbalik sa aking kasalukuyang binabasa. Ang pamagat nito'y Rescuing Haya. Ito'y patungkol sa "Confessions of an Eight Generation Israeli Emigrant." Hindi ako mahilig sa ganitong paksa ng akda subalit naisip kong bilhin ito sapagkat ang halaga nito'y may kaunting kamahalan lamang sa mga 3-in-1 na kape. At ngayo'y masaya ako na ito nga ay aking binili.
Marami akong nalaman sa aklat na ito bagamat hindi ko pa natatapos. Subalit kasabay nito ang nakabinbing galit hinggil sa mga bagay na lumilitaw. Ang akala ko'y tapos na ang mga iyon subalit pinamulat sa akin ng Rescuing Haya na hindi pa tapos ang lahat. Marami pa akong dapat harapin at tapusin.
Sa ngayo'y rito ko muna tatapusin ang "pahina" na ito nang matapos na ito. Dalangin kong sa susunod ako ay makakapagsulat ng aking mga saloobin tungkol sa Rescuing Haya pati na rin ng ibang mga aklat na aking nabasa nitong nakaraang buwan.
No comments:
Post a Comment