Saturday, 5 August 2017

Mga Ibon sa Kanluran


Sa dakong kanluran na madalas kong kanlungan
Mga ibo'y paroo't parito humuhuni, nagtutugtugan
Minsa'y kaunti, minsa'y sinasakop ang kapaligiran
Mula sa pagsikat ng araw ang mga ibong ito'y maaasahan

Ang kanilang katahimikan ay tiyak na 'di daratnan
Maliban na lamang kapag bumuhos ang malakas na ulan
Minsan sa gabi na maliwanag ang buwan
Huni ng mga ibon ay akin pa rin napapakinggan

Tuwing linggo ng umaga ay aking inaabangan
Mga ibon sana ay makasalo sa agahan
Tinig nila'y akin nang nakasanayan
Na sa aking puso'y tinuturing sila na kaibigan

Nang minsa'y nag-abang ng mga ibon sa kalangitan
Aking napagtanto na tila uri nila'y nadaragdagan
Mga uwak na agaw pansin ay aking nasilayan
Madalas nama'y hindi ko alam ang pangalan

Gayun ma'y anong ligaya ang naramdaman
Sapagkat batid kong sila'y ligtas dito na kabundukan
Dalangin ko na lamang para sa kanilang kinabukasan
Manatili nawa ang ganitong katahimikan.

No comments:

Post a Comment